Monday, October 18, 2010

Korupsiyong namana, kapalpakang dumarami

Korupsiyong namana, kapalpakang dumarami
By Darius Galang  October 8, 2010



Sa korupsiyon iniuugat ng gobyernong Aquino ang kahirapan ng buong sambayanan. Malinaw na may hindi ito totoo, pero kahit ang isyung ito ng korupsiyon, mukhang di pa rin naaampat man lang ng bagong presidente.
Bagaman tuwid na daan ang pinupostura, hindi pa rin tiyak ang pagtutuwid sa dati nang problema na kinakaharap laluna ng mga opisyal ng pamahalaan at militar. Tulad ng kasalukuyang imbestigasyon sa isyu ng jueteng sa bansa. Maaaring black propaganda lamang diumano sa pagbibigay ng puwesto ng Pangulong Aquino kay Gen. Jesus Verzosa, hepe ng Philippine National Police, ngunit malalim ang mga ugat nito.

Kasalukuyang nasa ilalim ng imbestigasyon at pagsisinop ang ilang miyembro ng PNP maging ang ilan pang personahe sa isyu ng jueteng na laganap pa rin sa buong bansa. Ito pa rin ang parehong jueteng na kinasangkutan ng dating pangulong Joseph Estrada at ng ilang personahe sa kanilang mga transaksiyon sa mga nakakamal na salapi galing sa ilegal na sugal na ito, at ngayo’y nabubungkal muli sa pamamagitan ng isang ulat ni Sen. Miriam Santiago.
Merchants of poverty” ang taguri ni Santiago sa DILG undersecretary and ang hepe ng PNP hanggang sa kasalukuyang administrasyon. Isiniwalat niya na may ganansiyang isang porsiyento ang dalawang opisyal kada buwan, o isang porsiyento sa taunang resibo na may P30 bilyon, na may katumbas na P300 milyon hahatiin sa dalawa kada taon.
Pinangalanan rin ni Santiago sina Atong Ang, Tony Santos, Danny Soriano, Aging Lisan at Bong Pineda, na asawa ni Pampanga Gob. Lilia Pineda bilang mga kingpin ng jueteng sa bansa. Mga dati nang pangalan na nadawit sa rehimeng Estrada sa naturang isyu, kahit pa nagsambit kamakailan si si Ang na 150% siyang hindi pabor sa ilegal na pasugal.
Lumalabas rin sa imbestigasyon na kahit may isinakatuparan nang Small Town Lottery (STL) ang dating pamahalaan, patuloy pa rin ang pagsasagawa ng jueteng sa mga liblib na parte ng bansa. Ilan pang pagsisiyasat ang naglabas ng ulat na nagpopostura pa ang mga kabo na kaliwa’t kanang kumukubra para sa STL at sa jueteng. At ang mga kabong ito, nasa proteksiyon ng ilang matataas na opisyal ng kapulisan.
At kung ang pulisya ang nagkaroon ng kapalpakan sa ganitong larangan, lalo pa sa nangyaring hostage-taking na ikinasawi ng ilang nationals mula Hong Kong at isang dating pulis. Kung aalisin ang ilang isyung nakapalibot rito tulad ng salimuot na kinasangkutan ng midya, makikita ang ilang kabulukan at kapalpakan ng kapulisan at maging sa pamunuan nito: Ang kapangyarihan na nagmumula sa hawak nilang sandata, ang kawalan ng malinaw na ground command, at maging ang aktuwal na pagsasagawa ng rescue bagaman may sapat nang kasanayan dapat ang kanilang tauhan.
Bagay na taun-taon ay binibigyang-importansiya ng pamahalaan sa taunang badyet nito.

No comments:

Post a Comment

Free to Earn