Wednesday, September 8, 2010

$400-M conditional cash transfer magastos, di katanggap-tanggap – Rep. Casiño

$400-M conditional cash transfer magastos, di katanggap-tanggap – Rep. Casiño
By Soliman A. Santos

“Magastos at di katanggap-tanggap” ang tawag ni Bayan Muna Rep. Teddy Casiño sa US$400 Milyong programang conditional cash transfer (CCT) na ipatutupad ng gobyerno simula ngayong taon. Ang programa ay pinondohan ng World Bank.



“Matapos tiyakin ni Budget Secretary Floriencio Abad sa budget hearing noong Setyembre 2 na walang pangungutang na magaganap sa pagtataas ng programang CCT sa P21 Bilyon sa susunod na taon. Nagulat ako nang malaman ko kay Sec. Dinky Soliman na ang World Bank ang magpopondo rito. Dalawang tanong agad ang papasok sa isip: magkano ang gagastusin sa usapin ng pagbabayad ng utang at ano ang mga kondisyon? Ito ay maselang usapin sa panukalang 2011 budget,” ani Casiño.

Ipinaliwanag ng kinatawan na mas mainam na gamitin ang P21-B badyet bilang direktang subsidyo sa mga eskuwelahan at health center sa halip na mamigay ng buwanang insentibo sa mga mahihirap. “Hindi kailangang suhulan ang mamamayan para makakuha ng serbisyong panlipunan kung meron na naman nito,” aniya pa.

“Kabalintunaan ito dahil habang gagastos tayo ng P21-B bilang insentibo sa mahihirap para pumunta sa mga health center at magpabakuna, ibababa naman sa P32-B lamang ang badyet sa kalusugan,” sabi pa ni Casiño.

Idinagdag ni Casiño, tagapangulo ng House Committee on Small Business and Entrepreneurship Development, na mas mainam na gastusin ang naturang salapi para sa programang pangkabuhayan at pagnenegosyo na mas higit na kapaki-pakinabang.

Nagpahayag din ng pangamba si Casiño na baka magamit lamang sa pamumulitika ang CCT. Maaari aniyang magamit sa partisan political purposes ang CCT dahil dadaan ito sa mga lokal na pamahalaan.

“Ang tuwirang pamimigay ng pera ay hindi mabuti at sustenableng polisiya ng gobyerno. Baka naman nabulag lang sa pera ng WB si PNoy at Dinky,” ani Casino.

Ang Department of Social Work and Development na pinamumunuan ni Soliman, ay makakatanggap ng P34.2B badyet sa 2011, mahigit doble sa P15.31B badyet nito ngayong taon.

Samantala, matagal nang binatikos ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay ang naturang programa, na sinimulan sa panahon pa ng panunungkulan ni dating Pangulong Arroyo.

“Matagal nang napatunayan na ang pagpapatali natin sa dayuhang pautang ay nagiging sagka rin sa matagalang pag-unlad ng bansa,” ayon kay Carlito Badion, tangapangulo ng Kadamay. “Kaya’t mangangahulugan lang din ang bagong utang na ito sa mas matinding kahirapan sa hinaharap.”

No comments:

Post a Comment

Free to Earn