Wednesday, September 8, 2010

Pambansang badyet para sa edukasyon, nakaambang tabasan


Pambansang badyet para sa edukasyon, nakaambang tabasan


Maglulunsad ng kampanya laban sa nakaambang pagkaltas sa alokasyon ng pambansang badyet para mga SUCs ang mga lider-konseho ng mga mag-aaral atstudent regents ng iba’t ibang state colleges and universities (SCUs).
Nagpahayag si Cori Alessa Co, student regent ng Unibersidad ng Pilipinas sa kanilang pagkakaisa sa kanilang hanay. “Nagsasama kami na may malinaw na pananaw: na maabot ang aming kapwa mag-aaral at lider-estudyante sa lahat ng 111 SCUs upang matapang na maipahayag ang aming konstitusyonal na karapatan para sa kalidad at abot-kayang edukasyon,” aniya.


Kasama ni Co ang mga rehente ng iba’t ibang SCUs. Kasama niya sa pagbatikos sa ihinahapag na mababang badyet sa edukasyon sina Polytechnic University of the Philippines Student Regent Sheryl Alapad, Philippine Normal University Student Regent Mikko James Rodriguez, at kasama na rin ang with Student Council Officers ng Eulogio Amang Rodriguez Institue for Science and Technology (Earist), UP Diliman at Maynila, PUP Sta. Mesa, Taguig, and Quezon City, at ang student government ng PNU.
Nagtipon ang mga lider-estudyante at nangakong titipunin ang lahat ng mga kapwa nila lider at estudyante mula sa 111 SCUs upang lumaban para sa mas mataas na badyet para sa edukasyon.”Itinutulak kami ng pahayag ni Pang. Noynoy, na dapat bawasan ang badyet ng SCUs para maging self-sustaining, na lalong magkaisa para sa dagdag na badyet ng gobyerno sa edukasyon,” ani Co.
Sa nakalaang pamansang badyet ng 2011, tatanggap lamang ng P23.08 Bilyon ang SCUs. Mas mababa ito nang 1.7% kumpara sa nakaraang taon.
Dagdag pa rito, walang nakalaang badyet para sa capital outlay, o ang ginagamit ng SCUs upang magkaroon ang mga ito ng bagong mga kagamitan at pasilidad.
Ilan sa mga tatamaan ang mga nangungunang state universities. Matatabasan ng P1.39-B ang badyet ng UP, ang pinakamababa sa kasaysayan ng pamantasan. Babawasan rin nang 23.59% ang badyet para sa PNU.
Dagdag pa ng pag-aaral na isinagawa ng Kabataan Party-list, ang maintenance and operating budget ng SCUs ay mababawasan ng P1.1-B o 28,16% mula sa 2010. Pitong paaralan ang babawasan ng 50% sa kanilang operation budget,habang 17 naman ang babawasan ng 10%.
Daing ng mga mag-aaral, bigyang-pansin ng pamahalaan ang tungkulin nito sa pambansang kalagayan ng edukasyon.
“Buong responsabilidad ng gobyerno na pondohan ang SCUs, kaya nga tinatawag silang ‘pampubliko’ at ‘estado.’ Sa pagsabing dapat maging self-reliantSCUs sa pamamagitan ng pagsasagawa ng income generating projects, nais ba ng administrasyong Aquino na wala na itong responsabilidad sa pagbigay ng edukasyon sa kabataan?” sabi pa ni Co.
Inanunsiyo ng iba’t ibang konseho ng mga mag-aaral ang Nationwide Walkout Against Budget Cut na magaganap sa Setyembre 24.

No comments:

Post a Comment

Free to Earn