Monday, September 20, 2010

Kalayaan para sa mga bilanggong pulitikal, mailap pa rin ba?

Nakalulungkot ang balitang mayroon pa ring mahigit 300 bilanggong pulitikal sa bansa. Tinagurian pa namang may demokrasya sa Pilipinas at tumatahak umano sa tuwid na landas ang kasalukuyang administrasyon, subalit may higit 300 na nakakulong at nag-aasam ng kanilang kalayaan kahit ngayong pangulo na ang kaisa-isang lalaking anak ng martir at pambansang bayaning si Ninoy Aquino. Hangad nila, ng kanilang mga kapamilya at kaibigan na magkaroon ng hustisya at nang mapalaya na ang mga nasabing bilanggo sa ilalim ng administrasyon ni Pres. Benigno “Noynoy” S. Aquino III.

Ayon sa ulat, karamihan sa mga nasabing bilanggong pulitikal ay inaresto sa ilalim ng administrasyong Arroyo at nakapiit sa iba’t-ibang parte ng bansa: sa National Capital Region, Ifugao, Isabela, Tuguegarao City, Bohol, Danao City, Cebu City, Bacolod City, Tacloban City, Leyte Provincial Jail, Compostela Valley, Bukidnon at Cagayan de Oro. Nakakulong sa Camp Bagong Diwa sa Metro Manila ang tanyag na Morong 43, 43 manggagawang pangkalusugan na sinasabing iligal na dinakip at ikinulong ng mga militar noong Pebrero 6. Kinasuhan sila ng umano’y gawa-gawang kaso na illegal possession of firearms and explosives, upang isangkot ng militar sa rebelyon.

Noong dekada ’70, panahon ng diktaduryang Marcos, isa sa libu-libong Filipino na dinakip at ibinilanggo ng militar si Sen. Ninoy Aquino, ama ng kasalukuyang pangulong Noynoy. Pinagbintangan din si Ninoy na kumakalaban sa pamahalaang Marcos, pinagkaitan siya ng katarungan sa loob ng mahabang panahon, hinatulan, at sa huli ay pinaslang sa tarmac sa pagbalik niya sa Pilipinas noong 1983. Hanggang ngayon ay hindi pa rin tiyak kung sinu-sino ang mga utak sa kanyang pagpaslang.

Kamakailan ay nagsagawa ng fasting o hunger-strike ang mga bilanggong pulitikal at kanilang mga kapamilya upang igiit ang hangad na paglaya at hustisya. Ipinaaalala din nila sa kasalukuyang henerasyon ang isang madilim na yugto ng kasaysayan ng bansa, ang panahon ng Batas Militar, upang maunawaan ng makabagong henerasyon ang pambansang kamalian at pinsalang hatid ng diktadurya at pang-aabuso sa kapangyarihan. Hanggang ngayon, taong 2010, ay tila mailap ang tunay na kalayaan, kaunlaran at katarungan para sa karamihan.

Ayon sa mga kapamilya ng mga bilanggo, hanggang ngayon, 80 araw na mula nang manungkulan si Pang. Noynoy, hindi pa rin daw niya tinutugunan ang usapin sa pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal samantalang gawa-gawa lang umano ang mga kasong isinampa laban sa kanila. Ito ay tuluy-tuloy na pagkakait ng hustisya at patuloy na paglabag sa karapatang pantao. Karamihan pala sa mga bilanggo ay magsasakang dinakip at pinagbintangang nagsusulong ng rebelyon at kinasuhan ng murder, arson at iba pang common crimes.

Naninindigan ang mga kaanak ng mga bilanggo sa pag-gigiit ng agad na pagpapalaya sa kanila at hinamon nila si Pang. Noynoy na itaguyod niya ang karapatang pantao at gawin ito bilang pagdakila na rin niya sa kanyang mga magulang. Matatandaang agad na pinalaya ni Pang. Cory Aquino, ina ni Pang. Noynoy, ang lahat ng bilanggong pulitikal sa simula pa lang ng kanyang panunungkulan noong 1986. Maging ang mga Filipino sa ibang bansa, sa Canada, New Zealand, Germany at United States ay nakiisa sa nasabing fasting at kampanya para sa mga bilanggong pulitikal sa Pilipinas.

Sana ay hindi na maging mailap ang hustisya at kalayaan para sa mga bilanggong pulitikal at sana laging mabigyan ng halaga ang karapatang pantao para sa lahat ng mamamayan ngayong pangulo na ang kaisa-isang lalaking anak ng dinadakilang mag-asawa at bayaning lider-pulitikal na sina Ninoy at Cory Aquino.

No comments:

Post a Comment

Free to Earn