Wednesday, September 15, 2010

Halos 50% na pagkaltas sa badyet para sa OFW, binatikos

Halos 50% na pagkaltas sa badyet para sa OFW, binatikos
Angel L. Tesorero
Kinastigo ng mga migranteng Pinoy ang gobyernong Aquino III at DFA (Department of Foreign Affairs) sa pagbawas nang halos kalahati sa pondong nakalaan para sa mga OFW (overseas Filipinos  workers) sa panukalang pambansang badyet para sa 2011.
Sinabi ni Kalihim Alberto Romulo ng DFA sa pagdinig sa pambansang badyet sa Kamara kamakailan na P27-milyon lamang ang inaprubahang badyet ni Pangulong Aquino para salegal assistance fund (LAF) sa susunod na taon. Para sa taong ito, P50-milyon naman ang inilaan ng nakaraang administrasyong Arroyo.

Pero tinawag ni John Leonard Monterona, regional coordinator ng Migrante-Middle East, na “ilegal at hindi makatuwiran” ang pagkaltas sa pondo para sa mga migranteng Pilipino na dapat ay nagkakahalagang P100-milyon.
“Katumbas lamang ang panukalang P27-milyon ng one-fourth ng LAF na nakasaad sa Seksiyon 18 ng RA 10022 o Amended Migrant Workers’ Act,” sabi ni Monterona.
Ayon sa nasabing batas, P50-milyon ng LAF ang manggagaling sa contingency fund ng pangulo, P30-milyon mula sa social fund ng pangulo, at P20-milyon mula sa  Overseas Workers Welfare Fund.
Mula sa LAF kinukuha ang panggastos sa mga legal na suliranin ng mga OFW.
“Dahil sa pagbabawas sa pondong nakalaan sa proteksiyon ng mga OFW, may indikasyon na nagiging anti-OFW na rin si Noynoy katulad ng sagad-sagarang anti-OFW na si Arroyo,” ani Monterona.
Sinabi pa ng lider-migrante na sapat nang batayan ang maraming bilang ng pang-aabuso, pagmamaltrato, paglabag sa mga karapatan sa paggawa at ang tumataas na bilang ng mga nakukulong na OFW para magdesisyon si Aquino na taasan ang badyet para sa mga migranteng Pilipino.
Sa datos ng grupo, may 108 OFW na nasa death row, 7,000 OFW na nakakulong, at 10,000 na istranded at humihiling ng repatriation sa Gitnang Silangan pa lamang.
Naghihimutok din sa pagbabawas sa pondo ang mga migrante sa United Arab Emirates.
“Ito ba ang pabuya sa amin ng gobyerno – sa mga tinaguriang bagong bayani? Nag-aambag kami ng 10% sa ating pambansang ekonomiya kahit na walang ibinibigay sa aming sapat na trabaho ang gobyerno at napipilitan kaming mangibang bansa. Pinakamaliit na kunsuwelo na lang ang mabigyan kami ng sapat na proteksiyon at serbisyo,” ani Yuri Cipriano, tagapangulo ng Migrante-UAE.
Sa halip, pinanawagan ng grupo na bawasan na lamang ang nakalaang  P357-bilyon pambayad sa interes ng mga utang panlabas ng gobyerno, na mas mataas ng P7.7-bilyon sa kasalukuyang taon. Kailangan din umanong busisiin ng Kongreso ang  P1.425-bilyong intelligence fund ni Pangulong Aquino na mas mataas kaysa sa  P1.38-bilyong inilaan ni Arroyo para sa taong kasalukuyan.
Samantala, kinuwestiyon ng Migrante International kung saan napupunta ang P32.8-bilyon na nokokolekta mula sa mga OFW ng mga ahensiya ng gobyerno gaya ng Overseas Workers Welfare Administration, Philippine Overseas Employment Agency, at Pag-Ibig.
“Halos magmakaawa ang mga OFW para sa tulong mula sa ahensiyang ito. Hindi ba’t malinaw na higit pa sa P27-milyon ang utang gobyerno sa amin?” ani Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante.
Tinataya ng grupo na sinisingil ng gobyerno ang bawat OFW ng mga bayaring aabot sa P20,000.  May 1.6 milyong Pilipino ang nangingibang-bansa kada taon.

No comments:

Post a Comment

Free to Earn