Wednesday, September 15, 2010

Pagbasura sa pribatisasyon ng Angat Dam isinulong sa Kamara

Hinikayat ng mga aktibistang mambabatas ang Kongreso at ang Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM) na tuluyang ibasura na ang planong pagsasapribado ng Angat Dam.

Sa Resolusyon Bilang 410 na inihapag kamakailan lang, inilatag ng mga kinatawan ng ACT Teachers, Bayan Muna, Gabriela Women’s Party, Anakpawis at Kabataan Partylist ang mga dahilan kung bakit hindi dapat ituloy ang balak ng PSALM na isapribado ang Angat Dam o ibigay ito sa Korea Water Resources Corp. (K-Water) na siyang winning bidder sa pribatisasyon ng 246-megawatt (MW) hydroelectric power facility ng Angat Dam.



Sa halip ay iminungkahi nilang ilagay ang pamamahala sa Angat Dam sa ilalim ng mga ahensiya ng gobyerno tulad ng MWSS, National Irrigation Administration (NIA), at National Water Resources Board (NWRB), kung saan ang Napocor ay susuporta na lang, upang maprotektahan ang karapatan ng mga tao na magkaroon ng malinis na tubig.

Ang Angat Dam ay pinagkukunan ng 97 porsyento ng tubig na ginagamit ng halos 14 milyong katao sa Metro Manila, Rizal at Cavite. Ito rin ang pinagkukunan ng tubig para sa irigasyon ng 29,370 hectares (has.) ng lupain sa Bulacan at Pampanga, habang nagsusuplay rin ng kuryente sa Luzon.

Nagbabala ang mga mambabatas na malamang maisantabi ang pagbibigay serbisyo sa pangangailangan sa tubig kung isasapribado ang Angat Dam kapalit sa paglikha ng kuryente. Dagdag pa sa abusadong paggamit sa Dam ng Napocor kung kaya bumaba ang lebel ng tubig sa Dam at nagkaroon ng kakulangan sa tubig ay ang paglubha ng krisis na hatid ng El Niño at ang hindi pa maayos-ayos na mga sirang tubo ng mga water concessionaires sa Metro Manila.

Iminungkahi na noon ng Office of the Government Corporate Counsel (OGCC) sa PSALM na maaaring ipamahala ang Angat Dam sa MWSS upang mapigil ang krisis sa tubig. Dagdag pa dito, sinabi ng OGCC na maaring ilipat ng PSALM sa MWSS ang mga assets ng Napocor sa halip na ibigay sa pribadong korporasyon.

Tutol din sa pagsasapribado ng Angat Dam ang mga pamahalaan at pinunong lokal ng Quezon City, Manila, Taguig, Makati, Pasig, Antipolo, Parañaque, Muntinlupa, Pateros, Cainta, Taytay, San Mateo, at Rodriguez, maging ang League of Cities of the Philippines.

Noong May 24, 2010, naglabas ng status quo ante si Supreme Court (SC) Chief Justice Renato Corona at ito ay pinagtibay naman ng lahat ng mahistrado noong June 16, 2010 kaya pansamantalang napigilan ang PSALM sa pagsasapribado ng Angat Dam.

No comments:

Post a Comment

Free to Earn